Martes, Enero 3, 2012

MALAYANG PAKSA: Ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon

               
                  Ang pasko ay ipinagdiriwang dahil ito ang araw ng pagsilang ni Hesukristo. Bago magpasko ay nagkakaroon ng Simbang Gabi na kung saan gumigising ng maaga ang mga tao para magsimba. Kapag nakumpleto mo ang siyam na araw ng Simbang Gabi ay pwede ka humiling at magkakatotoo ito. Hindi ko nakukumpleto ang Simbang Gabi dahil unang tatlong araw lang nito ako nakakapagsimba. Paglabas ng simbahan ay kitang kita mo ang mga nagtitinda ng puto bungbong at bibingka. Bago rin magpasko ay kitang kita ang pagiging abala ng mga tao sa pamimili ng mga regalo na ibibigay sa bawat isa. Mararamdaman mo rin ang paglamig ng panahon bago magpasko. Punong puno ang mga SM dahil namimili ang mga tao para sa Pasko. Marami na rin ang nagtitinda ng prutas. Naririnig mo na ang mga taong kumakanta ng Christmas carols. Ang pasko ay ang pagkakataon na magbigayan ang mga tao. Maraming mga tao ang naghahanda ng pagkain kapag Pasko. Makikita mo sa labas ng mga bahay ang mga bonggang Christmas lights. Makikita mo rin ang mga Christmas tree na punong puno ng mga dekorasyon. Maririnig mo na ang mga nangangaroling sa bawat bahay. Sa bisperas naman ng Pasko ay doon mo makikita na sobrang nagiging abala na ang mga tao dahil sa pamimili ng mga regalo at pagkain. Nakaugalian na ng pamilya naming na magkaroon ng Christmas party na kung saan nagkakasama sama kaming pamilya. Nakaugalian na rin naming ang magbigayan ng mga regalo. Nagsasalu-salo naman kami pagdating sa Noche Buena. Pagdating naman ng araw ng Pasko ay maaga kami gumigising para makapagsimba. Pagkatapos magsimba ay pumupunta sa bahay ng mga kamag-anak para magkasama sama kami o kaya ay umuuwi kami sa Nueva Ecija para makasama ang mga kamag-anak naming doon. Pumupunta kami sa sementeryo para bisitahin ang lolo namin. Nagkakaroon kami ng mga pagsasama sama magkakamag-anak dahil dalawang beses lang sa isang taon kami magkikita dahil sa layo ng lugar. Kinabukasan ay umuuwi kagad kami ng Malolos. Naghahanda kami ng pagkain para sa mga bisitang darating.
           
             Isa pa sa mga inaabangang pangyayari ay ang Bagong Taon. May kasabihan na kapag nagsuot ka ng polka dots ay magkakapera ka. May kasabihan din na kapag tumalon ka ay tatangkad ka. Bago magbagong taon ay makikita mo ang mga taong nagtitinda na ng mga paputok. Marami na ang nagtitinda nito lalo na sa Bocaue, Bulacan. Marami na rin ang nagbebenta ng bilog na prutas. Kapag bisperas na ng Bagong Taon ay makikita mo rin ang mga tao na abala sa pagbili ng paputok. Nakasanayan na ng magulang namin na maglagay ng mga barya sa bawat sulok ng mga pinto o sa bintana. Nagsasabit din sila ng ubas at bigas sa pintuan. Kapag dumarating ang Media Noche ay nagkakasama sama kami magkakamag-anak dahil ipinagdiriwang namin ang Bagong Taon at ang kaarawan ng pinsan ko. Nagsasalu-salo kami at sinisindihan ang mga losis ng sabay sabay. Pagkatapos ng putukan ay itinutuloy naming ang pagsasaya at pagkakatapos ay natutulog na kami. Nakaugalian na dun namin na magkaroon ng reunion kahit malalapit lang ang aming bahay. Nagreregaluhan din kami at nagsasayahan. Kinabukasan ay pumupunta naman kami sa malls o di kaya ay sa mga lugar na hindi pa namin napupuntahan. Ito lang ang mga ginagawa kapag dumarating ang Pasko at Bagong Taon.

MAGKABILAAN

      


REPLEKSYON:
           Maraming mga kanta ngayon ang may magagandang kahulugan kaya masarap pakinggan. Isa sa mga ito ay ang Magkabilaan ni Joey Ayala. Nang napakinggan ko ang kantang ito ay napaisip ako na talagang magkakaiba tayong lahat pero dapat pantay pantay lang ang pagtingin natin sa bawat isa. Sa linyang "Ang hirap ng marami ay sagan ng iilan" ay nagsasabi na marami pa rin ang naghihirap sa bansa ngayon dahil marami pa rin ang mga makasarili at hindi iniisip ang kapakanan ng ibang tao. Sa linyang ito din ay nagpapahiwatig na habang yumayaman ang iba, ang iba naman ay pahirap ng pahirap. Isa sa mga linyang tumatak sa akin ay "Ang tama sa iyo ay mali sa tingin ng iba" na nagsasabi na may sari-sarili tayong opinyon na dapat respetuhin ng lahat dahil hindi naman tayo pare-pareho ng iniisip. May mga pagkakataon na maaaring tama ka pero sa tingin ng iba ay mali iyon kaya dapat respetuhin mo din ang kanilang opinyon. Sa kantang ito napapakita din na mayroon tayong iba't ibang katangian na kung saan ang iba ay pumapaibabaw at ang iba naman ay nananatili sa ilalim. Sa mga linyang "Bulok na ang haligi ng ating lipunan, Matibay ang pananalig na ito'y palitan, Suriin mong mabuti ang iyong paninindigan, Pagka't magkabilaan ang mundo" na nagbibigay kahulugan na kailangan ng baguhin ang ating lipunan. Sa linya na ito ay naalala ko ang kanta ni gloc 9 na pinamagatang "Upuan", sa kantang ito ay ipinapahiwatig ang kakulangan ng mga pinuno na matugunan ang pangangailangan ng mga tao. Ipinapahiwatig din na tignan naman ng mga nasa pamahalaan ang kalagayan ng ibang tao at gawan kagad ito ng solusyon. Kapansin pansin na habang yumayaman ang ating mga pinuno ay lalo naman tayong naghihirap. Marami na ang mga pangakong napako at hanggang ngayon ay hindi pa rin natutupad. Sa buhay ngayon, dapat hindi lang puro salita ang pinapairal dapat ay ginagawa din, dito lumalabas ang kasabihan  na "Actions speak louder than words". Sa kantang Magkabilaan natutunan ko na may sari-sarili tayong katangian at hindi talaga tayo magkakapareho. Kung matutunan lang ng bawat tao na isipin din ang kabutihan ng iba at hindi lang ang sarili ay tiyak na magiging maunlad ang bansa. Kung matutunan din natin na magkaisa para sa ikakaunlad ng bansa ay marahil magiging mapayapa at masagana ang ating pamumuhay. Nakakalungkot isipin na talagang hindi tayo uunlad kung hindi kagad tayo aaksyon. Kaya dapat matuto tayong lumaban at magkaroon tayo ng pakielam sa iba.





Lunes, Enero 2, 2012

MGA NAKAKAINIS NA PANGYAYARI NGAYONG PASKO

     Pasko? Ito ang pinakaaabangan ng mga tao dahil ito ang panahon ng pagbibigayan ng mga tao. Noong dalawang araw pa lang bago magpasko ay hindi ko na talaga ramdam ang Pasko. Hindi ko alam kung bakit naging ganun pero palapit ng palapit ang Pasko ay hindi ko pa rin ito ramdam. Sinimulan ko ang araw ng Pasko sa paghahanda ng mga damit ko dahil pupunta kami sa Nueva Ecija. Hindi ko alam pero inis na inis ako noon dahil ayokong pumunta doon kasi nakasanayan ko ng magpasko dito. Pagkatapos noon ay bumiyahe na kami at nakarating na nga kami. Pagdating namin doon ay nakita ko ang mga kamag-anak doon. Namiss ko sila pero hindi talaga ako sanay na doon ako nagpapasko. Gabi ng Disyembra 25 ay umuwi na ang magulang ko at natira kami doon. Noong panahon na iyon ay gustong gusto ko na umuwi kaya kinulit ko ang magulang ko pero napagalitan lang ako. Nainis ako nung mga oras na iyon. Lumipas ang Disyembre 25 na wala akong nagawa. Hindi ko nakapiling ang mga taong gusto kong makasama. Hindi ko nakita ang mga taong gusto ko makita.
  
     Noong umaga naman ng Disyembre 26 ay nagkaayaan kami na pumunta sa NE Pacific at manood ng Segunda Mano. Umalis kami ng bandang 3 ng hapon. Matagal tagal kami bago makarating doon at nainis ako sa jeep na sinakyan namin dahil sobrang bagal, dapat mapapabilis na ang biyahe pero lalo pang bumagal dahil doon. Nakapunta kami sa Pacific at sobrang daming tao doon, lalo pa kong nainis nung hindi kami nakapanood at nasayang lang ang pagpunta namin doon dahil sa sobrang dami ng tao. Kumain lang kami doon at umuwi na agad. Sumakay ulit kami sa jeep at sobrang inis na inis na kami kasi halos isang oras na kami naghihintay doon pero hindi pa rin puno ang jeep. Lalo pang nakakainis noong umikot pa ang jeep para mapuno ito at bumalik ulit sa lugar na sinakyan namin. Matagal tagal din kami naghintay at ayun nakauwi na kami pero hindi pa rin ako naging masaya.